Monday, November 19, 2012

Ang Buhay ng Tao


Ang buhay daw ng tao ay parang AKLAT, may awtor at may mambabasa. May simula at may wakas.


Pero ganito rin kaya ang pananaw ng ibang tao na magkaiba ang estado ng buhay, o sila rin kaya, may sariling interpretasyon tungkol sa paghahalintulad  ng buhay ng tao sa isang aklat.


Tinanong ko ang isang estudyante. Naniniwala ba siya na ang buhay ng tao ay parang isang aklat? Ang sagot niya ay.. Oo. Dahil ang tao raw ang siyang dumidikta sa agos ng kanyang buhay. Siya rin ang nagsisilbing may akda sa bawat desisyon na kanyang pinipili. Sa isang aklat may mambabasa, sa totoong buhay ang mga taong nakapaligid sa kanya ang nagsisilbing mambabasa. Gaya rin ng aklat, ang buhay ay hahantong din daw sa katapusan.

Nagtanong-tanong pa ako sa ibang tao at hindi naman nagkakalayo ang pananaw nila sa pananaw ng estudyante. Ngunit isa sa kanila ang pumukaw sa aking kaisipan. Sabi niya ang Diyos ang may-akda ng buhay ng tao at ang mga taong kanyang nilikha ang gumaganap sa karakter ng kanyang ginagawang kwento.

Matapos kong marinig ang mga pananaw at reaksyon ng ibang tao, ay mayroong nabuo sa aking isipan. Magkaiba man ang estado ng buhay na kinalalagyan ng mga tao dito sa mundong ibabaw lahat ay dumadaan sa pagsubok, lahat makakaranas ng kasiyahan at lahat nabibigyan ng pagkakataon upang ituwid anumang pagkakamali sa buhay na ginawa.


Tunay ngang maihahanlintulad ang buhay ng tao sa isang aklat. Kung paano nabuo ang aklat at kung ano ang nilalaman nito, masasabing hindi ito malayo sa buhay ng tao. Ang kwento sa isang aklat ay nabuo dahil sa may-akda. Tanging siya lamang ang may alam kung paano patatakbuhin ang kwento. Maaaring gawin niyang masaya ang laman nito at maaari ring punuin niya ito ng kalungkutan at puot. Kung ano man ang nangyayari sa buhay niya dahil rin ito kung paano niya ginustong mangyari ang mga bagay-bagay.



May kasabihan nga, sampung porsyento ng buhay ng tao ay hindi gawa ng sariling kagustuhan ngunit ang natitirang siyam napung porsyento ay nakadipende sa reaksyon nito sa bawat pangyayari.

Isang pang pagkakatulad ng aklat sa buhay ng tao ay pakakaroon nito ng mga kabanata. Bawat kabanata ay nag-iiba ang takbo at habang papalayo ang kabanata nadaragdagan ang kwento. Minsan, may pagkakataon na akala mo ay tapos na ito ngunit bigla na lang nag-iiba at nagiging kapanapanabik ang ikot ng kwento.


Sa bawat aklat na malathala may bumabasa na pinupuna ang mga bagay na tinatalakay na nakapaloob dito. Kadalasan iba sa kanila nagugustuhan ang nababasa at meron din namang ayaw ang nilalaman. Ganun din sa buhay ng tao, pinapaligiran siya ng iba't-ibang klase ng tao. Sila rin ang nagsisilbing mambabasa. Sila rin ang may kakayahang punahin ang bawat kilos ng kapwa nila tao.

Marahil hindi lahat ng tao ay nagagawang maintindihan ang buhay ng iba dahil na rin hindi lahat ay magkasingtulad ang pang-unawa.


Ang buhay ng tao ay hindi rin panghabambuhay. Darating ang panahon na hahantong ito sa katapusan. Gayon din ang aklat, matapos ang ilang kabanata darating din ito sa pahina kung saan ang kwento ay magwawakas. Ngunit ang alaala ng kwento ay mananatili sa puso ng sino mang nakabasa.

Kahit ano pa man ang maihahalintulad sa buhay ng tao ang mahalaga ay, lagi nating pakatatandaan, ang buhay ay utang natin sa Diyos. Bawat pangyayaring nagaganap sa buhay, mainam na kahit papano may munting aral tayong napupulot. 


XD




No comments:

Post a Comment